header

Paalam at Salamat, Dindo Rivera Dionisio (Oktubre 20,1962 - September 21, 2019)

September 30, 2019
"Alam kong kasama ko siya sa tuwina;
Hindi ako matitinag pagkat kapiling siya." MGA AWIT 16:8


Isang kasamahan, kaibigan, at kapamilya ng Tanggapan ng Kalihim ng Sangguniang Panlalawigan maging ng Pamahalaang Panlalwigan ng Bulacan ang namaalam.

Walang kibo, mabait, mabuting kaopisina, malambing at palabiro ang ilan sa mga bukang bibig ng mga nakakakilala kapag nababanggit ang pangalang Dindo ng taga OSSP. Mahilig sa mga larong pampalakasan katulad ng bowling, basketball, billiard, badminton. Isang mahusay ring gitarista at kung minsan ay masahista ng kaniyang mga kaopisina. Natatawag din kapag kailangan ng maglelettering o bulletin board na didisenyuhan.

Mula sa bayan ng Bulakan, Bulacan. Biniyayaan ng 3 anak na lalaki na sina Patrick John, John Paul, at John Paulee sa kaniyang maybahay na si Imelda A. Dionisio na sa kasalukuyan ay nasa banig ng karamdaman dahil sa sakit na stroke. Alam ng marami na siya ang tagapag-alaga ng asawa. Pumapasok sa araw sa opisina at nag-aalaga ng asawa sa gabi. Isang mapagmahal na asawa at maunawaing ama sa kanyang pamilya.

1986 ng magsimula bilang Laborer nuon sa Pamahalaang Panlalawigan. 33 taon sa serbisyo publiko bilang Local Legislative Staff Assistant sa Tanggapan ng Kalihim ng Sangguniang Panlalawigan. Laking gulat ng lahat hindi lamang ng mga taga OSSP sa biglang pagpanaw niya noong ika-21 ng Setyembre, 2019 dahil sa atake sa puso. Masiglang pumapasok araw-araw at walang kamalay-malay na maagang babawian ng buhay sa edad na 56. Patunay lamang at huwag nating kalimutan na ang buhay ay maikli at walang kasiguruhan.

Ang kaniyang mga labi ay inihimlay sa San Jose Chapel, Bulakan, Bulacan at inihatid sa kaniyang huling hantungan noong ika-28 ng Setyembre, 2019 sa Public Cemetery ng nasabing lugar.

Paalam at Salamat....mananatili kang buhay sa aming ala-ala at sa kaniyang mga naulila ay pumailanlang nawa, hindi ang pagkalumbay at pagdadalamhati kundi ang bagong tuwa at kapayapaan ng buhay.