header

Sa iyong paglisan Ka Rely, salamat po!

December 16, 2019

AURELIO S. PLAMENCO
(1942-2019)

"Minsang naging lingkod bayan, taglay ang karangalan hanggang sa kabilang buhay."

Lumisan na po ang Igg. Aurelio S. Plamenco, na nanungkulan bilang Pangalawang Punong Lalawigan ng Bulacan, tatlong (3) termino mula 1998 hanggang 2007. Sadyang kahanga-hanga sa kaniyang disiplina at pagiging makabayan. Naglingkod dala ang prinsipyo bilang isang guro at nagmahal sa mga kalalawigan bilang bahagi ng kaniyang pamilya.

Makulay din ang naging landas ni Ka Rely sa pagiging opisyal ng pamahalaan - mula sa Kagawad ng barangay, naging Konsehal ng bayan, Bise Alkalde ng Pulilan hanggang sa manalo bilang Alkalde at ang rurok ng kaniyang karera sa politika, ang pagiging BISE GOBERNADOR ng Lalawigan ng Bulacan.

Mahaba din ang ipinagkaloob na buhay ng ating Panginoon sa ating kapatid at masasabi nating "he lived a full life" dahil ramdam namin ang kasiyahan sa kaniyang mukha at kapayapaan sa pamumuhay na inilagi niya sa kaniyang farm, na itinuring niyang 'comfort place', kapiling ng kaniyang mga alagang hayop, halaman at mga punong namumunga na minsan ay ipinapatikim pa sa amin. Kahit na natapos na ang panunungkulan ay naglingkod pa rin sa lalawigan bilang Consultant sa Tanggapan ng Pangalawang Punong Lalawigan sa ilalim ng dating Vice Governor na ngayon ay Governor ng ating lalawigan, Igg. Daniel R. Fernando.

Ang pag-ibig sa sariling bayan bilang isang lingkod bayan ay sadyang mahalagang kabanata ng kaniyang buhay dahil marahil marami ang tinawag ika nga, subalit iilan lamang ang napipili. Marubdob na malasakit at dedikasyon ang kailangan sa pag-upo bilang politiko sapagkat imbes na isang pamilya lamang ay isang buong bayan/lalawigan ang iyong kinukupkop at inaaruga. Pinamumumnuan nang may katalinuhan, kababaan ng loob, kasipagan at buong katapatan.

Namayapa sa edad na 77, isang Pulileño na nabigyan ng pagkakataong maging isang lingkod bayan. Ang iyong ala-ala at paglilingkuran ay mananatili sa puso ng sambayanang Bulakenyo. Salamat sa lahat Ka Rely. Mapayapa ka na sa piling ng ating Poong Maykapal.

- DGJimenez