Mensahe ng Punong Lalawigan

Buong pusong pagbati at maligayang pagdating sa Website ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan!

Tungo sa layuning bumuo ng matiwasay, mapayapa, at malayang sambayanan, lubos nating pinapahalagahan ang pagkakaisa at pagtutulungan sa ating Lalawigan ng Bulacan.

Masigasig nating ipinapapatupad ang demokratikong sistema ng pamamahala kung saan pinakikinggan ang tinig at damdamin ng mga mamamayan sa pamamagitan ng ating Sangguniang Panlalawigan na kumakatawan sa mga distrito at iba’t ibang sektor sa ating pamayanan, sa pamumuno ng ating mahusay at iginagalang na Pangalawang Punong Lalawigan, at katuwang sa paglilingkod, Igg. Alexis C. Castro.

Ang website na ito ay nagsisilbing talaan, reperensya at gabay hinggil sa mga Panlalawigang Kautusan at Kapasiyahang pinagtitibay ng Sangguniang Panlalawigan.

Hangad nating mabigyan ng sapat na impormasyon at kaalaman ang mga Bulakenyo hinggil sa mga ordinansa at resolusyong makaapekto sa mga karapatan at kapakanan ng bawat isa.

Layunin nating mahikayat ang wastong pagtalima at aktibong pakikibahagi ng mga mamamayan tungo sa pag-unlad at pagbabago sa ating Dakilang Lalawigan ng Bulacan.

Maraming salamat sa inyong pagbisita at nawa ay matulungan kayo ng website na ito sa inyong layunin!

DANIEL R. FERNANDO
Punong Lalawigan

Mensahe ng Pangalawang Punong Lalawigan

Ang aking malugod na pagbati sa inyong lahat ng maligayang pagdating dito sa website ng Sangguniang Panlalawigan!

Layunin po ng bawat isa na bumibisita sa pahinang ito ay upang magkamit ng bagong kaalaman o ma-update tungkol sa mga umiiral na kautusan at ipinapatupad na batas sa ating lalawigan para sa kanilang pag-aaral, pananaliksik, o gabay sa kanilang malalim na pang-unawa tungkol sa mga karapatan at pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng ating pamayanan.

Sa website po na ito ay malaya po ninyong makikita ang ilang impormasyon tungkol sa Tanggapang ito, mula sa mga tungkulin at pananagutan ng Sangguniang Panlalawigan hanggang mga panloob na alituntunin ng pamamaraan.

Bilang Tagapangulo ng Hapag ng Ika-11 Sanggunian ay pangarap po ng inyong lingkod na paigtingin ang mga proseso sa aming Tanggapan nang mabigyan ng mabilis at maagap na pagtugon sa mga kahilingang makalikom ng impormasyon. Kaya naman po isa sa ating mga mithiin ay maging fully digitized ang ating mga sistema. Sinisikap po ng inyong lingkod at ng mga kasamang Bokal na ito ay mangyari upang lubos na mapaglingkuran ang ating mga kalalawigan. Ang amin po panambitan ay ang inyong pang-unawa at kooperasyon. Bukas po ang Vice Governor’s Office at Office of Secretary to the Sangguniang Panlalawigan para sa inyong suhestiyon at pakikipag-ugnayan para sa pagpapabuti ng mga proseso sa ating Sangguniang Panlalawigan.

Maraming salamat po sa inyong pagbisita sa aming website! Mabuhay po ang ating dakilang lalawigan ng Bulacan!

ALEXIS C. CASTRO
Pangalawang Punong Lalawigan